Ano ang eye level shot sa pelikula?
Pangunahing ginagamit ang karaniwang shot na ito sa paggawa ng pelikula at iba pa. Alamin kung bakit.
Ang eye level shot ay kadalasang hindi napapansin. Hindi ito nagpapakitang-gilas — hindi ito humihingi ng atensyon mo — pero isa ito sa mga pinakasimple at pinakamalawak na ginagamit na shot sa pelikula, TV, at produksyon ng video.
Ano ang eye level shot?
Ang eye level shot ay eksaktong kung ano ang ipinapahiwatig ng pangalan nito: inilalagay ng cinematographer ang camera angle nang direkta sa antas ng mata ng karakter. Kadalasang kinukunan ang subject mula tuhod hanggang ulo, na may kaunting konteksto sa paligid. Sa halip na i-dramatize ang eksena o manipulahin ang perspective ng manonood, ikinakatawan ng uri ng shot na ito ang normal na point of view ng isang tao. Dahil dito, inilalagay nito ang manonood sa gitna mismo ng eksena.
Dahil tumutugma ang mga ito sa ating natural na perspective, partikular na kapaki-pakinabang ang mga eye level angle para sa paunang pag-frame ng isang shot. (Ang frame ay isang solong image ng pelikula o video. Kabilang sa "pag-frame ng shot" ang pagbuo ng visual content ng isang serye ng mga frame na nakikita sa lens. Kasama na rito kung paano naka-block ang mga aktor, kung paano sila gumagalaw sa eksena, ang disenyo ng set, ang tanawin sa background — ang bawat element na nakikita ng camera.) Ang paunang pag-frame ay puwedeng ituring na pagtukoy sa paunang setup ng isang eksena, bago magsimula ang aksyon o magsimula ang drama.
Ang pagkuha ng shot mula sa natural na pananaw ay pinakamay-saysay rin para sa pagkuha ng maraming eksena sa kabuuan nito. Ito ang standard setup na hindi na pinag-iisipan pa para sa maraming karaniwang eksena sa pelikula at TV. Ito rin ang pinipiling shot para sa anumang sitwasyong halos hindi gumagalaw, tulad ng mga talking head sa cable news o karamihan ng video sa YouTube.
Sa katunayan, literal na napapaligiran tayo ng mga shot na ito. Puno ng ganito ang halos bawat pelikula at palabas sa TV, pero bihira nating mapansin. Kadalasan, iyon mismo ang punto. Pero ang mga eye level shot ay hindi lang basta #2 screwdriver sa toolbox ng cinematographer. May mga espesyal na katangian din ang mga ito.
Ang neutral na mata.
Ang eye level na perspective, higit sa lahat, ay isang neutral na mata. Hindi tulad ng low-angle camera shot na literal na tumitingala sa subject nito — o isang high-angle shot na naglalayong alisin ang kapangyarihang iyon — nagbibigay ang eye level shot sa mga manonood ng pakiramdam ng pagkakapantay-pantay.
Makakatulong ang "one of the gang" effect na ito para makaugnayan ng mga manonood ang isang karakter. Halimbawa, sa isang pelikula tulad ng The Hunger Games, madali sanang ginamit ng direktor ang karaniwang low-angle treatment para ilarawan si Katniss bilang isang pambihirang superhero. Sa halip, ang malawakang paggamit ng mga eye level shot ay naglalagay sa atin mismo sa tabi niya habang hinihila niya ang pana habang ganap nang handang sumali sa hukbo ng mga rebelde.
(Minsan, pipiliin ng mga direktor ang isang may kompromisong diskarte, kung saan pinagsasama-sama ang mga shoulder o hip angle at ang mga tunay na eye level shot, na bahagyang nagpapataas o nagpapababa sa antas ng isang karakter para ipakita ang kumplikadong ugnayan ng kapangyarihan — tingnan ang halos anumang episode ng Game of Thrones.)
Ginagamit ng mga direktor ang mga camera angle nang may estratehiya bilang paraan para magkaroon ng malikhaing kontrol sa pagkukuwento. Puwede nilang itaguyod ang isang narrative gamit ang mataas o mababang anggulo na pasimpleng nagdidirekta sa audience na makaramdam ng pagiging mas mataas o mas mababa sa isang karakter, maging konektado o malayo.
Siyempre, ang paggamit ng neutral na camera angle ay itinuturing din bilang estratehikong malikhaing pagpili. Kapag ipinakita ng isang filmmaker ang "realidad" sa neutral na paraan, nang walang halatang panggugulo sa perspective, mas madali para sa audience na huwag munang manghusga at maghintay lang para makita kung paano magaganap ang mga pangyayari.
At, kapag pinapayagan ang audience na obserbahan ang aksyon nang walang kinikilingan at bumuo ng sarili nilang opinyon tungkol sa nangyayari, nagbibigay ito sa direktor ng kaunting dagdag na panahon para ipakilala pati na ang mga karakter na lubhang hindi kanais-nais. (Para sa isang extreme na halimbawa, panoorin ang mga pambungad na eksena ng American Psycho.)
Pero ang pagiging neutral ay hindi lang isang malikhaing pagpili — minsan, isa itong pangangailangan. Mahalaga ang neutral na perspective kapag talagang kailangan ng filmmaker na ipakitang wala siyang kinikilingan. Kaya naman, ang eye level camera angle ang pinakakaraniwang paraan ng pag-shoot ng mga tuwiran at makatotohanang paglalahad ng impormasyon (tulad ng sa isang press conference) o para mapanatili ang pagiging objective sa isang sitwasyon ng panayam (tulad ng sa paggawa ng dokumentaryo).
Pagsira sa fourth wall.
Gayunman, hindi lang ang pagiging neutral ang benepisyo ng mga eye level shot. Mahalaga rin ang pamilyar na perspective na ito sa pagbuwag ng mga balakid sa pagitan ng manonood at ng kuwento.
Ang pakikipagharap sa isang karakter sa eye level, sa pantay na antas, ay bumubuo ng empathy dahil gumagawa ito ng koneksyon sa pagitan ng karakter at ng manonood. Nakakatulong ito sa pagpapakatao sa mga hindi kaaya-ayang paksa — may pagkakataon ding maunawaan kahit ang mga baliw at serial killer. (Isingit dito ang paborito mong pelikulang nakakatakot.)
Siyempre, mas nagiging malakas ang ugnayan sa mga "normal" na karakter. Ang mga eye level shot ay may epekto ng paghila sa atin nang direkta sa point of view ng isang karakter. Halos literal na nasa loob tayo ng isipan nila. Nagbibigay ito ng malapit na perspective habang nagaganap ang aksyon. Mas agaran at matindi ang mga emosyon kapag kaharap mo ang isang karakter, at parang mas mabilis ang takbo ng aksyon kapag nasa gitna ka ng adrenaline rush sa eye level.
At lalo pang pinapatibay ang ugnayan kapag inilulubog ang manonood sa isang kakaibang rom-com tulad ng Amélie. Nag-i-invest tayo ng mas maraming emosyon habang sinusubaybayan natin ang mahiyaing waitress sa Paris at ang paghahanap niya ng pag-ibig sa pelikulang ito na nakakuha ng malawak na papuri ng mga kritiko para sa cinematography nito. Kapag nakikibahagi ka sa point of view ng pangunahing karakter sa ganitong mga intimate na camera shot, para kang kasama mismo ni Amélie sa Montmartre, at kasali sa kuwento.
Nasa mata ang lahat.
Mahihirapan kang gumawa ng pelikula nang walang kahit ilang eye level shot. Pero subukang dagdagan ang pagpapahalaga sa nakakaligtaang pangunahing sangkap na ito ng cinematography. Pansinin kung gaano kadalas lumabas ang mga eye level shot sa susunod na pelikula o TV show na papanoorin mo at isipin kung paano ginagamit ang mga ito.
O kaya, isaalang-alang ang halimbawa ng filmmaker na si John Krasinski, na gumugol ng siyam na season bilang Jim sa The Office. Maaari mong isipin na sa loob ng mahigit 200 episode ng isang TV sitcom, na may paulit-ulit na pakikipag-ugnayan sa mga karakter at limitadong interior set, magsasawa siya sa mga pang-araw-araw na camera angle. (Bagaman ginawang kapani-paniwala sa mockumentary format na isang camera lang ang makakakuha ng lahat ng aksyon sa Dunder Mifflin, at nanalo ang palabas ng dalawang Emmy para sa Single-Camera Picture Editing.)
Sa halip, nang magkaroon ng pagkakataon si Krasinski na gumawa ng sarili niyang mga shot, pinili niyang gawing prominente ang mga eye level sa parehong feature ng A Quiet Place.
Malinaw na nasa mata nga ang lahat.
Tuklasin ang mundong puno ng kapaki-pakinabang na tips sa pag-edit at paggawa ng video. Pagkatapos, i-explore ang lahat ng magagawa mo gamit ang Adobe {{premiere}} para mapahusay ang kakayahan mo sa paggawa ng pelikula.