Ano ang digital design?

Ang digital design ay isang malawak na termino para sa lahat ng nauugnay sa paggawa ng iba't ibang digital na produkto. Sinasaklaw nito ang graphic design, user interface, user experience, at paminsan-minsan ay mga produkto sa totoong buhay na may mga digital na bahagi. Ang bawat layout, iba't ibang button, o control panel kung saan ka nag-e-engage ay ginawa ng isang propesyonal na designer gamit ang mga kumplikadong digital tool bilang pagsasaalang-alang sa iyong pinakamagandang user experience.

Ang mga pagpiling ginagawa ng mga digital designer ang nagpapasya ng lahat mula sa kung paano tayo nagpapagana ng electronics hanggang sa kung paano tayo nagbabasa ng mga salita sa isang page. Walang hindi sinasadya. “Isang interface ang TV mo. Isang interface ang kotse mo,” sabi ng designer na si Aliza Ackerman. “Hindi ito basta nangyayari, may kailangang mag-design nito.”

Mga digital designer na nagbe-brainstorm ng iba't ibang user experience sa mobile
#feeceb

Mag-design nang nasa isip ang user.

Karaniwang multidisciplinary ang mga digital designer. Kailangan nilang malaman ang tungkol sa typography, kulay, graphics, at photography, at pagsamahin ang mga kasanayan at media na iyon sa paraang lumilikha ng mas malaking experience para sa user, isang experience na inaagapan ang kailangan niya at kung paano tugunan ang mga pangangailangan niya.

Tinitiyak ng mga web designer na magandang tingnan ang isang web interface, pero bahagi ng mas malaking larangan ng user experience ang web design, kung saan gumagawa ang mga designer ng mga system na madali at intuitive. Pwedeng kasama rin sa mga system na iyon ang mga app, hardware na may mga digital na element, software, o kahit mga live na event. Anuman ang sitwasyon ng paggamit, nagdadala ang mga designer ng mga creative na kasanayan para lumutas ng mga problema. Sumusunod ang form sa function, at kailangang magkaroon lahat ng silbi ang hitsura at dating ng mga digital na produkto, user interface, at design ng print.

Inuuna ng magagaling na designer ang user. “Napakahalaga ng pagmamalasakit sa digital design,” sabi ni Ackerman. “May pangangailangan ang user, at tumutulong kang lutasin ang problema.” Pinakamainam kung magiging malinaw kaagad sa user ang karamihan sa function at usability ng isang design. Walang gustong gumugol ng mahabang oras sa pagtingin sa design o interface mo na para bang isa itong puzzle na dapat lutasin. Kailangang makuha at magamit nila ito kaagad.

Mga tip para sa mga digital designer.

Isang multidisciplinary na kasanayan ang digital design, pero may ilang bagay na dapat tandaan, gumagawa ka man ng motion graphics o isang experience sa web.

Laptop na nagpapakita ng iba't ibang lapad ng column ng isang 12-column na grid
Tatlong mobile phone na magkakatabi na nagpapakita ng iba't ibang placement ng grid at block

Gumamit ng mga grid.

Halos lahat ng digital na layout ay batay sa isang grid o gabay. “May structure ng grid ang bawat website,” sabi ni Ackerman. “Kung titingnan mo nang mabuti, makikita mo ang istruktura na ginagamit ng mga ito at matuto mula sa pinakamahuhusay na website.”

Manatiling consistent.

Sa maraming paraan, mga designer ng system ang mga digital designer. Kailangang makilala ng user na nauugnay sa isa't isa ang iba't ibang bahagi ng system na iyon. Kailangang manatiling consistent ang mga font, at dapat may magkakatulad na function ang iba't ibang typeface sa iba't ibang konteksto. “Panatilihin itong simple,” sabi ni Ackerman tungkol sa mga font. “Pumili ng typeface o isang grupo ng type na may malawak na saklaw.”

Manatiling organized.

Panatilihing nakaayos ang mga file mo. Alam ng matatagumpay na designer na posibleng i-access ng mga web developer, manunulat, project manager, iba pang designer, at kliyente ang kanilang mga file. Kapag nagbukas ang mga partner na iyon ng mga dokumento sa design, kailangang maunawaan nila kung ano ang tinitingnan nila. Isaayos ang mga layer sa editing software mo, at malinaw na lagyan ng label ang lahat. Tandaang kakailanganing gamitin ng ibang tao ang gawa mo, kaya gawing madaling magamit ang mga file mo.

Maging team player.

May mga collaborator at stakeholder ang bawat proyekto, at mas pinapadali ng magagaling na designer ang mga bagay para sa mga taong nakakatrabaho nila. Una, kailangang maunawaan ng mga designer ang mga pangangailangan ng kliyente nila. “Napakahalagang kilalanin ang kliyente,” sabi ng designer na si Emma McGoldrick. “Marami akong ginagawang cover ng podcast, at hindi ko maisip na gagawin ko ang mga iyon nang hindi nakikipag-usap sa kliyente at hindi inaalam kung bakit niya ginagawa ang podcast niya at ang inspirasyon sa likod nito.”

Mag-design para sa accessibility.

Isipin ang lahat ng potensyal na user, kabilang ang mga may kapansanan sa paningin. Isinasaalang-alang ng magandang design ang ilan sa mga pinakakaraniwang isyu sa accessibility na posibleng mayroon ang mga user at tinitiyak nitong pwedeng magkaroon ng maayos na user experience ang lahat.

Pag-design ng iba't ibang banner ng event sa Adobe XD

Gumagamit ang ilang user na may kapansanan sa paningin ng mga text-to-speech tool kapag gumagamit sila ng internet, at dapat iyong isaalang-alang sa copy sa design mo. Posible ring maraming user ang napakalinaw na nakakakita, pero colorblind. Karaniwan ang pagiging colorblind sa pula at berde, at hindi dapat umasa ang mga design mo sa mga color cue na maraming user ang hindi matutukoy ang kaibahan. Kung gagamit ka ng pula/berde na contrast (o asul/dilaw na contrast, na isa pang pares ng mga kulay na mahirap matukoy para sa mga taong colorblind), tiyaking magsama ng iba pang visual cue gaya ng copy o mga icon para madaling ma-navigate ng mga ganoong user ang design mo.

Gayundin, palaging isaalang-alang ang contrast. Posibleng maging malaking hadlang para sa mga user na may kapansanan sa paningin ang kawalan ng contrast, at posibleng maging nakakainis lang ito para sa ibang user. Tingnan ang mga bagay nang black and white lang para makita kung may sapat na contrast ang design mo. “Ipinapakita nito sa iyo kung nasaan ang iyong mga pinakamadilim na dilim at pinakamaliwanag na liwanag,” sabi ni Ackerman. Alamin ang iyong mga pagpipilian sa kulay at value ng kulay, at tiyaking sapat na namumukod-tangi ang text sa background. Maging pamilyar sa kung paano makikita ng mga taong may mga karaniwang kapansanan sa paningin ang gawa mo at kung paano sila mag-i-interact dito. Gawing epektibo rin para sa kanila ang design mo.

Isang digital designer na gumagawa ng design ng digital na page sa isang designing tool sa computer
Isang digital designer na gumagawa ng design ng digital na page sa isang designing tool sa computer
#FEECEB

Umunlad bilang isang digital designer.

Maraming landas ang pwedeng humantong sa digital design. Nakakatulong na magkaroon ng bachelor's degree sa isang nauugnay na larangan tulad ng design o video production, pero halos tiyak na mas pagtutuunan ng pansin ng mga potensyal na employer ang iyong portfolio at experience. Pwede kang magsimula bilang freelancer sa sarili mong komunidad. “Magsimula sa social media,” sabi ni McGoldrick, “at manatiling lokal.” Ilagay ang gawa mo sa lugar kung saan pwede itong makita ng mga potensyal na kliyente. Kasabay nito, hasain ang mga kasanayan mo gamit ang mga tool na pamantayan sa industriya gaya ng Adobe Photoshop at Illustrator.

Palaging nagpapalawak at naglilinang ng mga bagong kasanayan ang magagaling na designer, at alam din nila kung ano ang kaya nilang gawin at kung saan sila magaling. Mahalagang linawin sa mga employer at iba pang miyembro ng team ang mga kasanayan mo, at maging malinaw tungkol sa kaya at hindi mo kayang gawin. “Palagi kong sinisigurong sinasabi kong hindi ako web developer,” sabi ni McGoldrick.

Palaging may pagkakataong umunlad bilang isang designer. “Ang malaking hamon ay ang tuksong sumuko,” sabi ni Ackerman. “Mahirap na trabaho ang design. Malayo ang mararating mo sa tulong ng talento, pero kailangan mong matuto kung paano tumanggap ng kritisismo.” Maglinang ng kapal ng mukha kasabay ng mga kasanayan mo sa graphic design, bigyang-priyoridad ang maayos na pakikipagtulungan sa iba, at palaging isaalang-alang ang user.


Mga Contributor

Aliza Ackerman, Emma McGoldrick


https://main--cc--adobecom.hlx.page/cc-shared/fragments/seo-articles/do-more-illustrator-color-blade