VIDEO
Ano ang shot-reverse shot?
Bahagi ng cinematography at bahagi ng pag-edit ng pelikula ang shot-reverse shot na isang paraan ng mga filmmaker para magpahayag ng emosyon at ipakita ang ppont of view ng karakter — nang literal at figurative.
Ang shot-reverse shot ay isang subok na at totoong pamamaraan ng pagkukuwento.
Isang pangunahing element ng paggawa ng pelikula na halos kasintanda na ng Hollywood mismo, lumilikha ang shot-reverse shot ng impression ng isang tuloy-tuloy na pag-uusap sa pamamagitan ng paghahati-hati sa magkakaibang camera angle. Ito ay isang uri ng continuity editing — ang mahika ng pelikula na nagpapahintulot sa mga pelikula na magkuwento nang tuloy-tuloy kahit gumagamit ng higit sa isang shot. Kapag naitakda mo na ang eksena gamit ang establishing shot, malamang ay gagamit ka ng ilang anyo ng shot-reverse shot para ipakita ang pakikipag-ugnayan ng mga karakter mo sa isa't isa at sa kapaligiran nila.
Nagsisimula ang shot-reverse shot sa isang shot ng karakter, at pagkatapos ay lilipat sa shot ng kung ano o sino ang tinitingnan ng karakter na iyon (ang kabaligtaran ng anggulo mula sa unang shot), at sa huli ay babalik sa paunang shot para ipakita ang reaksyon ng karakter. Ang pagkakasunod-sunod ng paglipat sa pagitan ng dalawang shot na ito ay puwedeng magpatuloy hangga't kinakailangan ng eksena.
"Matagal nang ginagamit ito dahil epektibo," sabi ng independent film producer na si Nick Escobar. "Nakakatulong ito para magkuwento nang mabilis at epektibo."
Paano gamitin ang shot-reverse shot.
Nangingibabaw ang shot-reverse shot sa mga eksena ng dialogue, kung saan maaaring kunan ng filmmaker ang pag-uusap gamit ang dalawang anggulo ng shot at paghati-hatiin ang mga ito sa proseso ng film editing para ipakitang nangyayari ang pag-uusap nang real time.
"May magsasalita at makikita natin ang reaksyon ng kausap," sabi ni Escobar. "Pagkatapos, sasagot siya at makikita natin ang reaksyon ng unang nagsalita, at magpapatuloy ito nang paulit-ulit."
Pero maraming pagkakaiba-iba ang puwede mong gamitin kapag kumukuha ng eksena ng pag-uusap gamit ang istruktura ng shot-reverse shot. Halimbawa, pinipili ng ilang filmmaker na gumamit ng single shot, kung saan isang karakter lang ang nakikita sa frame sa bawat pagkakataon. Kadalasang tinatawag itong POV, o point-of-view shots dahil binibigyan nito ang audience ng impression na nakikita nila ang mundo sa pamamagitan ng mga mata ng bawat karakter.
O kaya, maaaring gumamit ang direktor ng over-the-shoulder shot, kung saan kabilang ang bahagi ng likod at balikat ng isang karakter sa frame habang naka-focus sa karakter na kausap nila. "Minsan tinatawag itong dirty frame o maruming frame, dahil dinudumihan mo ang screen ng mga ekstrang bagay," paliwanag ni Escobar. "Ang pagpili kung alin ang gagamitin ay nakadepende sa mood at damdamin na gusto mong iparamdam."
Hindi mo kailangan ng dalawang karakter sa isang eksena para gumamit ng shot-reverse shot. Kapag ipinares sa isang cutaway shot ng isang prop sa eksena, puwede nitong ipakita ang emosyonal na tugon ng isang karakter sa bagay na iyon o sa kanilang kapaligiran.
"Puwede mong ipakita ang isang karakter na nakakakita ng sulat sa mesa, at pagkatapos ay ipakita ang kabaligtarang anggulo ng karakter na nakatingin sa sulat na may maliit na bahagi ng sobre sa frame," sabi ng direktor at cinematographer na si Padraic O'Meara. "At pagkatapos ay makikita natin kung ano ang nararamdaman ng tao tungkol sa sulat na dinampot niya. Marahil, magsisimula siyang umiyak. At kung wala sa frame ang sulat, hindi natin malalaman kung bakit siya umiiyak."
Pagpaplano para sa shot-reverse shot.
Kapag naghahanda para kumuha ng eksena gamit ang shot-reverse shot, mahalagang maglaan ng oras para planuhin ang mga camera shot at blocking mo para sa mga aktor nang maaga para matiyak na hindi mo malalabag ang 180-degree rule.
"Sa madaling salita, tuwing ilalagay mo ang camera mo, puwede ka lang magpakita ng mga bagay sa loob ng 180 degrees mula sa posisyong iyon," paliwanag ni Escobar. "Paraan ito para mapanatiling naka-orient ang mga manonood. Kung gumagawa ako ng shot-reverse shot na may dalawang taong nag-uusap at sa isang shot, nakatingin ang isa sa kanan, kailangan namang nakatingin sa kaliwa ang isa pang tao para tumugma ang mga eyeline nila at magmukhang nag-uusap sila sa isa't isa."
Depende sa laki ng shot mo at sa depth of field na ginagamit ng camera operator mo, kailangan mong tiyaking tumutugma ang background ng bawat karakter sa mga lokasyon nila ayon sa naitakda sa master shot.
"Ang pag-unawa sa tatlong dimension ng kapaligiran mo ay napakahalaga kapag nagshu-shoot ng shot-reverse shot," sabi ni O'Meara. "Lalo na pagdating sa pag-set up ng lighting na kailangan mong gamitin para makalikha ng mood at consistency." Halimbawa, ang karakter na may balikat na naiilawan mula sa kanan sa isang shot ay dapat pa ring naiilawan mula sa kanan kapag nakita natin ang mukha niya sa susunod na shot.
Gamitin ang shot-reverse shot para bumuo ng karakter.
Bukod sa pagpapakita ng dalawang taong nag-uusap, puwede kang maging malikhain sa simpleng framework ng shot-reverse shot para magbigay ng mga pasimpleng detalye sa audience mo tungkol sa relasyon ng mga karakter. Kung gusto mong subukang ipahiwatig na mahina o nasa disadvantage ang isa sa mga karakter sa eksena, puwede mong i-shoot ang mga shot niya mula sa mataas na anggulo para magmukha siyang maliit. O kaya, para ipahiwatig na makapangyarihan at may kontrol ang isang karakter, puwede mo siyang i-shoot mula sa mababang anggulo para magmukha siyang mas malaki, nakakatakot, at mas nangingibabaw sa screen.
Ang mga paggalaw ng camera ay puwede ring magpahiwatig ng nagbabagong relasyon sa pagitan ng mga karakter. Halimbawa, nang kinukuwestiyon ng mga pulis ang Joker sa The Dark Knight ni Christopher Nolan, kinunan ang pag-uusap nila mula sa matatatag at hindi gumagalaw na camera angle. Pero nang dumating si Batman at magsimula ng sarili niyang mas agresibong interogasyon, kinunan ang shot-reverse shot ng dialogue nila gamit ang mga handheld na camera, na lumilikha ng mas biglaan at hindi inaasahang paggalaw ng camera na nagpapahiwatig ng kaguluhang nagbabadya sa tunggalian ng dalawang karakter na ito.
"Pagdating sa komunikasyon, marami pang iba bukod sa teksto," sabi ni O'Meara. "May subtext at emosyon sa likod nito at ang paraan kung paano ipinapahayag at tinatanggap ng mga karakter ang impormasyon. Napakahalagang magawa ito nang tama, at dito nagiging napakabisa ng shot-reverse shot."
https://main--cc--adobecom.aem.page/cc-shared/fragments/products/premiere/do-more-with-premiere