Industrial design: Ano ito at ano ang ginagawa ng mga industrial designer

Para sa lahat ng paborito mong produkto, malamang ay may industrial designer kang pasasalamatan para dito.

3D product concept of an electric kettle

Para sa lahat ng paborito mong produkto, malamang ay may industrial designer kang pasasalamatan para dito. Halimbawa ay si Jonathan Ive, ang dating chief design officer sa Apple na responsable sa pagbuo ng ilan sa mga pinakapaboritong electronics sa mundo, tulad ng iPhone at iPad. O si James Dyson, na nag-imbento ng nakapangalan sa kanyang home appliance brand na may mga vacuum cleaner, hand dryer, at fan na kilala ng marami.

Hindi lang sa paggawa ng mga electronic appliance na gustong-gusto ng mga consumer sa buong mundo may ambag ng mga industrial designer. Halimbawa nito sina Charles at Ray Eames, na bumuo ng moderno, functional, at maganda at simpleng furniture — pinakasikat ang mga lounge at dining chair — na mula noong idinisenyo ng mag-asawa noong kalagitnaan ng ika-20 siglo at hanggang ngayon ay gustong-gusto pa rin ng marami. Si Walter Dorwin Teague, na naglunsad ng tumatakbo pa rin ngayong Teague design firm noong 1926, ay tumulong sa pag-imbento ng mga natatanging produkto tulad ng Polaroid camera, pati ng lata ng Pringles.

Kaya alam mo na: Malaki ang papel ng mga industrial designer sa paghubog ng ating mundo. Pero ano ba talaga ang ginagawa sa larangan ng industrial design? Heto ang kaunting background.

Ano ang industrial design?

Ang industrial design ay ang propesyonal na kadalubhasaan ng pagbuo ng mga minamanupakturang produkto, device, at serbisyo nang may espesyal na pagtuon sa form at function. Karaniwang sinasaliksik ng mga industrial designer kung paano ginagamit ng mga consumer ang isang partikular na produkto, at saka nakikipagtulungan sa ibang propesyonal — tulad ng mga engineer at marketer (mas tatalakayin pa ito sa ibaba) — para likhain ang mga konsepto at design para sa mga imbensyon.

Sa pangkalahatan, ang mga industrial designer ay nagpapakadalubhasa sa isang kategorya ng produkto, tulad ng mga sasakyan, muwebles, o appliance sa bahay. Pinagtutuunan nila ang lahat mula sa functionality at manufacturability ng produkto hanggang sa kung natutugunan nito ang mga pangangailangan at inaasahan ng consumer.

Kasaysayan ng larangan ng industrial design.

Ang pag-usbong ng industrial design ay nagsimula sa kalagitnaan ng ika-18 siglo noong industrial revolution ng Great Britain. Ang unang paggamit ng mga salitang “industrial design” ay naiugnay sa paglalarawan ng paghahanda ng mga pattern para sa paggawa ng silk ng mga draftsman.

Ang paglago ng industrialization ay nagdulot ng paglipat sa mga produktong ginagawa nang maramihan para sa mas malalaking populasyon ng consumer. Nagsimulang itayo ang mga unang design school sa United States mula sa huling bahagi ng 1800s hanggang sa kalagitnaan ng 1900s. Pero noong 1980s lang nakilala ang industrial design bilang mahalagang propesyon sa mga kumikitang industriya. Ang pagbabago sa pananaw na ito ay pangunahing dahil sa pag-usbong ng consumer electronics, pati na rin ng paglawak ng kompetisyon sa buong mundo na sinimulan ng internasyonal na kalakalan.

Ang mga detalye ng kung ano ang eksaktong ginagawa ng isang industrial designer ay nagbago sa paglipas ng panahon. Bagama't pangunahing sinasanay dati ang mga estudyante ng industrial design sa mga larangan ng art at design na nauugnay sa hitsura at function ng isang produkto, ngayon, tinatalakay na rin sa mga industrial design studio ang mga pangnegosyong aspeto ng pag-design at pagbuo ng produkto, tulad ng gastos sa materyal at corporate branding. Mula 2018, mahigit 43,000 nagtatrabahong industrial designer sa United States ang naitala ng Bureau of Labor Statistics, kung saan sa Michigan at California ang may pinakamaraming designer per capita.

Ano ang ginagawa ng mga industrial designer?

Bahagi ng industrial design ang pagbuo ng iba't ibang uri ng minamanupakturang produkto — mula sa mga kotse, appliance sa bahay, at medikal na kagamitan, hanggang sa electronics at mga laruan. Gayunpaman, may mga partikular na pinagtutuunang larangan ang karamihan ng industrial designer. Halimbawa, ang ilan ay gumagawa ng mga computer o smartphone, habang ang iba ay bumubuo ng mga konsepto para sa mga bagong produkto ng consumer, tulad ng sports gear o muwebles.

Anuman ang uri ng produktong binubuo nila, karaniwang kasama sa mga responsibilidad ng isang industrial designer ang:

  • Pagsasagwa ng pananaliksik sa consumer para maipalagay kung paano gagamitin ang isang produkto
  • Pag-sketch o paggawa ng mga blueprint para sa ilang ideya
  • Paggamit ng 3D software para mag-develop ng mga 3D rendering ng iba't ibang design
  • Pagpapasya kung ang isang design ay praktikal batay sa kaligtasan, hitsura, at function ng produkto
  • Pakikipagtulungan sa mga espesyalista para suriin ang mga materyal, kalkulahin ang gastos sa produksyon, at tukuyin ang mga kinakailangan sa pagmamanupaktura
  • Pag-present ng mga aaprubahang design at prototype sa mga kliyente gamit ang 3D printing at augmented reality (AR)
  • Paggamit ng mga paraan sa paglutas ng problema para gumawa ng de-kalidad na pang-araw-araw na produkto na gagamitin ng mga consumer sa totoong mundo

Ang mga uri ng tool na ginagamit ng mga industrial designer.

Sa yugto ng pag-iisip — o pagbuo ng konsepto — ng isang proyekto, ang mga industrial designer ay magse-sketch, magre-render, o gagawa ng mga 3D model, at pagkatapos ay susubukan ang mga prototype na iyon para alamin ang pinakamagagandang solusyon sa mga pangangailangan ng user. Ang pangunahing layunin para sa mga industrial designer sa yugtong ito ay maunawaan kung paano gagana, ano ang magiging hitsura, at paano imamanupaktura ang isang produkto.

industrial_design_mood
Sa prosesong ito, ang mga industrial designer ay gumagamit ng 3D design software bilang pangunahing tool sa paggawa ng mga sketch at paggawa ng mga pagbabago sa mga ideya nila. Pwede ring gumamit ang mga industrial designer na nagtatrabaho para sa mga manufacturer ng 3D software para gumawa ng mga partikular na tagubilin sa kung paano buuin ang produkto kapag naaprubahan na ito.

Ang mga taong nakikipagtulungan sa mga industrial designer.

Sa mga huling yugto ng proseso ng pag-design, makikipagtulungan ang mga industrial designer sa mga mechanical engineer, material scientist, manufacturer, at branding strategist para bigyang-buhay ang naaprubahang design ng produkto.

industrial_design_phones
Ang mga industrial designer ay gumagamit ng pagkamalikhain at pagkamaparaan para mag-design ng mga pang-araw-araw na produkto na inaasahan nilang magagamit ng marami — pero para magawa ito, dapat silang maging sanay sa pakikipagtulungan. Karaniwang kasama sa propesyon ang pagtatrabaho bilang bahagi ng malalaking team na binubuo ng mga strategist, engineer, user interface (UI) designer, user experience (UX) designer, project manager, branding expert, graphic designer, at manufacturer. Ang multidisciplinary na diskarteng ito ay nagbibigay-daan sa mga industrial designer na maunawaan nang husto ang isang problema at makagawa ng mahusay na solusyon na tumutugon sa mga partikular na pangangailangan ng gagamit. Ang IDEO, Frog, at Teague ay ilan sa mga pinakasikat na industrial design agency.